Mga driver ng Grab, maaari nang humingi ng ID sa kanilang mga pasahero

“Secret distress signals” para sa mga TNVS driver, isinusulong

(Eagle News) – Maaaring humingi na ng ID ang mga driver ng Grab Philippines sa kanilang mga magiging pasahero.

Inanunsyo ito ng Grab sa isang e-mail na ipinadala nila sa kanilang mga customer.

Ayon pa sa abiso, maaari itong ipatupad sa gabi.

“We assure you that all information shown to our driver-partners will be kept confidential and will only be used for verification purposes,” ayon sa Grab.

Samantala, inirekomenda rin ni Aangat Tayo Partylist Representative Neil Abayon na magkaroon ng “secret distress signals” ang mga driver ng transport network vehicle services gaya ng Grab.

Ayon kay Abayon, maaaring magamit ng mga driver ang signal bilang pang-alerto kapag mayroong insidente ng carnapping, holdapan at iba pang banta na maaaring mauwi sa patayan.

Aniya, maaaring gawing color-coded ang distress signals—blue para sa medical emergencies at orange alert naman para sa aksidente, halimbawa.

Ginawa ng Grab ang anunsyo at ni Abayon ang suhestiyon matapos mabalita ang pagkamatay ng Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr.

Si Maquidato, na una nang napabalita dahil sa pagbigay niya ng libreng sakay sa isang pasyente, ay binaril noong Huwebes, Oct. 26.

Ayon sa ulat ng pulisya, tinulak palabas ng Toyota Innova, na may plakang YV 7109, ang katawan ni Maquidato sa Bonanza St., Pasay City.

Itinuturing na person of interest ang pasahero na huli niyang sinakay noong araw na iyon.

 

https://www.youtube.com/watch?v=RzvKtHecU7w&feature=youtu.be