Mayor Isko Moreno, nagpasalamat sa taumbayan




(Eagle News) — Nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno sa taumbayan na nagpapahalaga sa kaniyang mga ginagawa.
Ito’y matapos umani ng kabi-kabilang mga papuri si Moreno mula sa mga government officials at maging kay US Ambassador to the Philippines Sung Kim na tinawag pa siyang isang tunay na “rockstar” dahil sa matagumpay na pangangasiwa sa kabisera ng bansa.
Pero ayon sa alkalde, wala pa talaga siyang nagagawa at ang mga napapabalitang malaking pagbabago sa lunsod ng Maynila ay bahagi lamang ng kaniyang pang-araw-araw na responsibilidad at trabaho bilang alkalde.

Masyado lamang aniyang napapansin ang kaniyang mga ginagawa dahil sa malalang sitwasyon na dinatnan niya sa Maynila. Pero sa pagiging “bangkarote” aniyang sitwasyon na iniwan ng nakalipas na administrasyon sa Maynila ay nais niyang gugulin ang oras sa paglikha ng mga solusyon sa problema kaysa manisi.

Sinabi pa ni Mayor Isko na ipagpapatuloy niya ang paglilinis sa buong Maynila at kahit pa mahirapan siya ay hindi siya titigil hanggang sa tuluyang maging malinis, maayos at ligtas sa anumang iligal na gawain ang mga kalye sa Maynila.