Mahigit P300,000 na halaga ng kontrabando, nakuha sa ikinasang Oplan Galugad sa NBP

(Eagle News) — Umaabot sa mahigit P300,000 na salapi, mga shabu, cellphone, patalim at iba pang kontrabando ang nakumpiska ng mga otoridad sa pinakahuling Oplan Galugad sa loob ng New Bilibid Prison noong nakaraang Huwebes.

Sa tala ng Bureau of Corrections (BoC), umabot sa P313,000 cash ang nakuha sa loob ng Bilibid, kung saan P196,000 dito ang nasabat mula sa Maximum Security Compound at P117,000 naman ang mula sa Medium Security Compound.

Nasamsam din mula sa mga inmate sa Medium Security Compound ang 131 cellphone, limang pocket Wi-Fi unit, 404 improvised bladed weapons, 63 paddle, 24 portable DVD, apat na router, at walong sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Maximum Security Compound, nasabat naman ang pitong cellphone, labing tatlong assorted na patalim, limang screwdriver, tatlong kitchen knives, isang martilyo, isang telebisyon, isang tv cable convertible, at diver’s watch.

Ang cash ay nakuha mula sa 14 na inmate.

Hindi pa kabilang sa nasabing talaan ang mga nakuha naman mula sa Building 14 kung saan nakakulong ang mga high-profile inmates.