Mahigit P3-M halaga ng shabu at matataas na kalibre ng baril nasabat sa isang bahay sa Makati City

(Eagle News) — Sinalakay ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit ang isang bahay sa Brgy. Pio del Pilar sa Makati City Miyerkules ng gabi.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng operatiba ang target ng operasyon na si Rolando Abuyo Jr., alyas “Bagyo” dahil sa talamak nitong pagbebenta ng shabu at iba pang kaso.

Sa kanilang pagtungo sa tahanan nito, agad na pinapatukan ni alyas Bagyo ang mga pulis na maghahain sana ng search warrant kaya gumanti din ang mga ito.

Dead-on-the-spot ang suspek matapos ang engkwentro, nang mapasok at halughugin ang bahay nadiskubre ang bulto-bultong mga shabu, mga mataas na kalibre ng baril at mga bala.

Inabutan din ang walong katao kung saan nasugatan ang dalawa dahil sa nangyaring engkwentro na sinasabing mga kasamahan at runner ni Bagyo, pero mariin namang itinanggi ito ng mga suspek.

Mga naarestong suspek kinilalang sina Rixon B. Pantoja, Zyvastian L. Ramos, Danilo A. Dy, Roy A. Protacio, Leonell G. Lumberio, Mark Greg L. Lajoy at ang dalawang sugatan na sina Zea Xyrille Ramos, Susan Ramos.

Ayon sa mga otoridad posibleng miyembro ng isang sindikato ang napatay na si alyas Bagyo dahil sa dami nitong kagamitan lalo na ang matataas na kalibre ng baril.

Narekober sa bahay ang drug pharapernalias, matataas na kalibre ng baril, mga bala at bulto-bultong shabu na may timbang na limangdaang gramo na nagkakahalaga ng Php 3,700,000.00

Sasailalim naman sa imbestigasyon ang mga naaresto kung talagang may kaugnayan ang mga ito sa operasyon ni alyas Bagyo. (Eagle News Service Earlo Bringas)