2 menor-de-edad na nagbebenta umano ng marijuana, huli ng pulisya sa QC; mahigit P200,000 na halaga ng droga, nasabat

(Eagle News) — Nahuli ng pulisya ang dalawang menor-de-edad na nagbebenta ng kilu-kilong marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P200,000 sa Novaliches, Quezon City, kahapon.

Ang kinse (15) at disi-sais-anyos (16) na bata ay nahuli sa isang buy-bust operation  na ikinasa ng mga miyembro ng Quezon City Police Drug Enforcement Unit bandang alas onse ng gabi.

 

Aabot sa limang kilong marijuana ang nasabat ng mga otoridad na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit dalawangdaan libong piso (Php 200,000).

Bagaman alam na ipinagbabawal ang pagbebenta ng marijuana ay ipinagpatuloy pa rin diumano ng mga bata ang pagtitinda sapagkat wala silang alam na ibang pagkakakitaan.

Karamihan umano sa parokyano nila ay mga kabataan.

Ayon sa pamilya ng mga nahuli, hindi nila alam na nagbebenta ng marijuana ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Police Chief Inspector Jay Cuden, nanggagaling ang mga supply ng marijuana sa mga bata sa Kalinga Mountain Province saka ibinebenta sa Pasig at Laguna.

Posibleng ginagamit lamang umanong runner ang mga menor de edad dahil hindi basta-basta nakukulong ang mga ito.

Dadalhin muna sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nahuling menor-de-edad at kapag sumapit na ito sa hustong gulang ay ililipat na ito sa piitan.

 

(Eagle News Service, Paulo Macahilas)