Mahigit P12-milyong halaga ng smuggled na sibuyas, nasabat ng BOC

(Eagle News0 — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Maynila ang anim na 40-footer container na naglalaman ng mga smuggled na sibuyas na nagkakahalaga ng mahigit P12 milyon.

Una nang inilagay sa alert order ang mga naturang shipment mula China na nakapangalan sa ASD Total Packages Enterprises Inc.

Idineklara ng consignee na laman ng mga container ay mga mansanas.

Nang ininspeksyon, dalawang layer ng kahon ng mga mansanas ang unang tumambad subalit pagdating sa pangatlong layer, puro sibuyas na ang laman.

Inihahanda na ng BOC ang pagsasampa ng mga kaso laban sa consignee at sa customs broker nito na kapwa ni-revoke ang customs accreditation.

Sinisikap naman na makuha ang panig ng consignee at ng broker ng mga nasabat na sibuyas.