Mahigit 500 iba’t ibang uri ng baril nakumpiska ng CSG-SOSIA

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Aabot sa 536 na iba’t-ibang uri ng baril ang nakumpiska ng Civil Security Group-SOSIA mula sa walong security agency na ipinasara dahil sa iba’t ibang paglabag.

Kapansin-pansin na luma at kinakalawang na ang karamihan sa mga baril na matagal daw itinago ng mga security agency.

“Pansamantala confiscated itong firearms nila at hindi nila ito magagamit hangga’t hindi sila makapagbigay ng mga tamang requirements para makapag-operate ng kanilang agency,” pahayag ni Senior Supt. Bernard Banac.

Sa mahigit isang 1,500 security agency sa buong bansa, 452 sa kanila ang naisyuhan ng cease to operate.

Halos ang lahat sa mga ito ay nasa Metro Manila.

Noong Hulyo sinimulan ng Sosia ang pagkatok sa naturang mga security agency para kumpiskahin ang kanilang mga armas.

Sa loob ng dalawang buwan, 76 na security agency na ang napuntahan kung saan karamihan daw sa mga ito ay kusang loob na nagsurender ng kanilang mga baril.

Pansamantala munang ilalagay sa safekeeping ng PNP Firearms and Explosives Office ang naturang mga baril na nakatakda raw sumailalim sa evaluation para malaman kung dapat na bang sirain na ang mga ito.

Tiniyak din ng CSG na hindi na magagamit sa ibang bagay ang mga nakumpiskang baril.

Bibigyan naman daw ng pagkakataon ng CSG ang mga security agency na mabawi ang kanilang mga baril kung maisasaayos nila ang kanilang permit gayundin ang lisensya ng kanilang mga baril at mga security guard.