Mag-asawa, patay matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City

(Eagle News) — Hindi matigil sa pag-iyak at halos ika-trauma ng labing isang taong gulang na dalagita na itinago ng pulisya sa pangalan Chezka, matapos na pasukin ang kanilang bahay at walang habas na pagbabarilin ang kanyang mga magulang sa Dahlia Street Barangay 177 Camarin, Caloocan City kagabi.
Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Albine Nervar at Nemia Nervar.

Pasado alas-otso kagabi ng makarinig ng ilang magkasunod na putok ng baril ang mga kapitbahay ng mga biktima sa lugar.

Mabuti na lamang wala ang mga anak ng mag-asawa sa bahay, naglalaro ang mga ito sa labas ng bahay nang mangyari ang krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police ang suspect ay bumili pa sa tindahan ng mga biktima ng sigarilyo. Ilang minuto ang lumipas matapos nitong bumili ay muli itong bumalik at sinindihan ang kanyang sigarilyo saka ito pumasok ng walang kaabog-abog sa bahay at dito na pinagbabaril ang mag-asawa.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mag-asawa.

Blangko pa rin ang pulisya maging ang mga kaanak ng mga biktima sa motibo sa pagpatay gayundin ang pagkakakilanlan ng suspek. (Eagle News Service Earlo Bringas)