Limang sasakyan sa Quezon City, sunud-sunod na nabiktima ng basag-kotse gang

(Eagle News) — Tinangay ng mga hindi pa kilalang mga suspek ang aabot sa higit P600,000 na mga gadget at mga personal na kagamitan, matapos na pagnakawan, basagin ang salamin ng limang kotse sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 4.

Ilan sa mga nabiktima ay nakaparada lamang sa Scout Tobias, Mother Ignacia.

Ilang minuto at oras lamang ang pagitan nang maisagawa ang pagnanakaw.

Sa kwento ng mga may-ari ng kotse na pinagnakawan na, pawang mga nakaparada lamang sila sa mga establisimyento sa lugar na may ilaw at marami pang tao noong mga oras na mangyari ang pagnanakaw.

Mga may-ari ng mga sasakyan na biktima ng basag-kotse, nanlumo

Halos hindi makapagsalita at nanlumo sa nangyari ang mga may-ari ng kotse dahil hindi aniya nila akalain na mabibiktima din sila ng mga basag-kotse gang sa tagal na nilang pumaparada sa mga nasabing lugar.

Pawang may mga alarm system naman aniya ang kanilang mga sasakyan pero hindi nila ito nadinig na tumunog.

Pag-atake ng basag-kotse gang, nahagip ng CCTV

Nakunan at nahagip pa ng CCTV video ang ginawang pag-atake ng basag-kotse gang sa Scout Tobias.

Ayon kay SPO1 Wilmorre Bataanon investigator ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, posibleng dalawang grupo na magkakaugnay ang umatake sa limang sasakyan.

Biniberepika pa aniya nila kung ito rin ang grupong nambiktima, nambasag at nanlimas ng aabot sa higit P 500,000  na mga kagamitan na nasa loob din ng kotse ng isang news reporter sa Barangay Kamuning noong nakaraang Mayo.
Samantala, umuusad na ang isinasagawang followup operation ng mga otoridad para sa ikakahuli ng mga suspect.

Payo naman ng mga otoridad na huwag mag-iiwan ng mahahalagang gamit sa loob ng kotse lalo na kung hindi sigurado sa lugar na pagpaparadahan.

(Eagle News Earlo Bringas)