Limang miyembro ng Termite Gang, arestado

(Eagle News) — Arestado ang limang miyembro ng termite gang na sinasabing nasa likod ng pagnanakaw sa isang branch ng China Bank sa Fairview noong weekend.

Natiklo ang mga suspek sa tulong ng impormante na nagtimbre sa panibagong pagnanakaw na gagawin umano ng grupo sa branch ng BDO sa New York, Cubao.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina:
• Jordan Duldulao
• Malebert Bautista
• Allyson Aligan
• Gearldine Bawas
• Ambrose Layao

Tatlo sa nadakip, nagtrabaho sa mga minahan

Tatlo sa kanila ay pawang mga taga-Baguio City at dati raw nag-trabaho sa minahan.

Nabawi rin sa kanila ang iba’t ibang gamit sa paghuhukay, oxygen tank at mga armas.

Tatlo sa mga suspek, may rekord nang pagnanakaw

Lumabas sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) na tatlo sa mga suspek ay dati na raw nasangkot sa kaso ng nakawan sa anim pang establesimyento sa Cavite, Quezon, Tarlac at Marikina City.

Hindi naman itinanggi ng mga suspek ang krimen pero giit nila, look-out lang sila ng grupo.

Patuloy namang tinutugis ang iba pang kasamahan ng mga suspek na responsable sa pagnanakaw sa China Bank.