Lalaki na napagkamalang police asset, patay

MAYNILA, Philippines (Eagle News) – Nasawi ang isang lalaki matapos mapagkamalan umano itong police asset at pagbabarilin ito sa Maynila nitong Huwebes, ika-13 ng Hulyo.

Ayon sa mga kapitbahay, nakatayo lamang si Comia Liwanag, Jr., 38, sa Gate 6, Area A ng Parola Compound, Tondo, bandang 12:30 ng madaling araw, nang biglang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek.

Isinugod pa si Liwanag sa ospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Ayon sa ospital, tinamaan ito sa balikat at ulo gamit ang hinihinalang caliber .45 na baril.

Ayon pa sa mga kapitbahay, kilalang gumagamit ng ipinanagbabawal na gamot si Liwanag.

Sa imbestigasyon naman ng Manila Police District Homicide Division, posibleng napagkamalang police asset si Liwanag kaya ito pinagbabaril.

Walang closed-circuit television camera sa lugar.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pangyayari.

 

Paulo Macahilas – Eagle News Reporter