Korte, wala pa ring pasya sa warrant at HDO vs Sen. Trillanes

(Eagle News) — Anumang oras maaari nang maglabas ng decison ang Makati Regional Trial Court Branch 148 kaugnay sa kahilingan ng Department of Justice na alias arrest warrant at hold departure order (HDO) laban kay Senator Antonio Trillanes IV kaugnay sa muling pagbuhay sa kasong kudeta ng mambabatas.

At kung papabor ang decison ni Judge Andres Soriano sa justice department maaari ng arestuhin ang senador at hindi na ito maaaring magkanlong kahit nasa senado.

Pasya ng korte sa mosyon ng DOJ, kaagad na ipapatupad

Ang malaking katanungan na lamang ngayon kung kikilalanin ba ng senador ang decision ng Makati RTC Branch 148 na unang pinaratangan na iniimpluwensiyahan ng DOJ.

“If the court grants the motion for the issuance of a warrant of arrest against sen trillanes, it could be enforced anywhere sen trillanes may be found, including in the senate premises (with proper coordination with the Sergeant-at-arms. I have absolutely no idea, however, as to how Sen. Trillanes will deal with it,” ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

DOJ, tiwalang naiprisinta ang mga ebidensya vs Sen. Trillanes

Panatag naman ang DOJ na nagawa nila lahat at nailatag nila ang lahat ng ebidensiya upang maging matatag matatag ang kanilang urgent motion laban kay Sen. Trillanes.

Naniniwala aniya si Sec. Guevarra na higit nilang nailatag ang tinatawag na sufficient evidence sa usapin ng factual issues ng kasong kudeta laban kay Sen. Trillanes.

“I believe that the DOJ has presented more than sufficient evidence on the factual issues.”

Matatandaang sa apat na pahinang kautusan ni Judge Soriano nakasaad rito na handa na silang resolbahin ang urgent motion ng justice department dahil natapos na ang pagdinig ng paghahain ng mga ebidensiya at paglalatag ng mga testigo sa korte.