Kilalanin ang mga posibleng maging PNP chief pagkatapos ng termino ni Gen. Albayalde

By Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Sa Nobyembre 8 nakatakdang mag-retiro sa pwesto si Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde kasabay ng kanyang ika-56 na kaarawan.

Pero ngayon pa lang, tila na nalalagay sa alanganin ang career ng heneral na idinadawit sa ninja cops ng Pampanga sa isinagawang pagdinig ng senado.

Ayon mismo kay Albayalde…posibleng may kinalaman ito sa nalalapit niyang pagreretiro at sa mga nag-aasam na pumalit sa kanya sa pwesto.

Pero sinu-sino nga ba ang mga kwalipikadong pumalit sa kanya sa pwesto?

Kung ang hierarchy ng PNP ang pagbabasehan, kabilang sa mga next-in-line ang mga miyembro ng kanyang command group.

Kabilang dito si Police Lt. Gen. Archie Gamboa na na kasalukuyang deputy chief for operations at Police Lt. Gen. Camilo Cascolan na siyang Chief for Directorial Staff.

Si Gamboa at Cascolan ay parehong mistah ni Albayalde sa Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986.

Si Gamboa ay taga-Davao at nakatakdang magretiro sa Setyembre 2, 2020.

Si Cascolan ay matagal din na-assign sa Davao. Naging hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at naging director ng Civil Security Group.

Si Cascolan ay nakatakdang magretiro sa Nov. 10, 2020.

Isa pa sa mga matunog na pangalan si NCRPO director Police Major Gen. Guillermo Eleazar na kamakailan lang ay pinarangalan ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang best Police Regional Office.

Naging district director din siya ng Quezon City Police District at naging hepe ng PNP Anti-Cyber Crime Group, pero kailanman ay hindi na-assign sa Davao.

Si Eleazar ay mula sa PMA Hinirang Class of 1987 at magreretiro sa Nobyembre 13, 2021.

Itinuturing naman na darkhorse si Police Brig. Gen. Valeriano de Leon na kasalukuyang hepe ng PNP Firearms and Explosives Office sa Kampo Crame.

Na-assign siya sa iba’t ibang pwesto at nagawaran ng iba’t ibang parangal sa larangan ng investigation at operation.

Na-assign din sa Davao si De Leon na miyembro ng PMA Makatao Class of 1989.

Pero bukod sa apat na taga-PMA, lumutang din kamakailan ang pangalan ni Police Brig. Gen. Gilbert Cruz na miyembre ng Philippine National Police Academy Class of 1986 at kasalukuyang pinuno ng Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) for Northern Luzon.

Ito’y matapos na lumutang ang isang application letter kung saan ipiniprisinta niya ang kanyang sarili para sa posisyon ng PNP chief.

Una nang itinaggi ni Cruz na sya ang gumawa ng sulat pero handa raw siyang tanggapin ang posisyon sakaling ibigay sa kanya.

Siya ay naging Police Regional Director sa Region 8 at CARAGA police. Naging pinuno rin siya ng Police Community Relations Group.

Kasama ngayon si Cruz sa biyahe ng Pangulong Duterte sa Russia.

Kung papalarin, siya ang kauna-unahang PNPA alumnus na magiging PNP chief.

Batay sa batas, maaaring mamili ang Pangulo ng susunod na PNP chief sa hanay ng mga opisyal na may ranggong 1 star o Police Brig. General pataas.

Paliwanag naman ni Police Brig. Gen. Bernard Banac na siyang spokesperson ng PNP, ang pagpili ng susunod na Chief PNP ay depende sa “trust and confidence” ng Pangulong Duterte na siyang Commander-in-Chief.

“Katulad naman ng dati, may mga kwalipikado na kandidato para maging PNP chief,”sabi pa niya.