Kandidatura ni Sen. Pimentel, pinapa-disqualify sa Comelec

Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service

(eagle News) — Inihain sa Commission on Election ni Atty. Ferdinand Topacio ang petisyon na ipawalang-bisa ang kandidatura ni re-electionist Senator Aquilino “Koko” Pimentel III.

Ayon kay Topacio, hanggang dalawang magkasunod na termino ang paninilbihan ng isang senador batay sa saligang-batas.

Tumakbo si Pimentel noong 2007 elections pero idineklarang panalo si Senador Juan Miguel Zubiri na noo’y nasa pang-labing dalawang pwesto.

Iprinotesta ni Pimentel sa Senate Electoral Tribunal ang proklamasyon ni Zubiri dahil sa alegasyon ng umano’y dayaan.

Taong 2011 na lamang naka-pwesto si Pimentel makaraang maglabas ng desisyong pabor sa kanya.

Iginiit ni Topacio, maituturing na naisilbi ni Pimentel ang unang termino nito na una nang inupuan ni Zubiri.
Muling tumakbo sa pagka-senador si Pimentel noong 2013 elections at nagnanais na muling maka-pwesto sa senado sa paparating na 2019 elections.

Petisyon ni Atty. Topacio, walang basehan – Sen. Koko Pimentel

Depensa naman ni Pimentel, maaari pa raw syang tumakbo para sa re-eleksyon at walang basehan ang petisyon ni Topacio.

Sa ruling aniya ng Korte Suprema, maituturing na hindi kumpleto ang termino ng isang kandidatong nanalo sa election protest.

“The Aratea and Latasa cases cited by Topacio are not relevant. Facts are not similar. In Aratea, the candidate really served three terms already and moreover was disqualified by final judgment in a criminal case. In lLatasa, the candidate served three terms as municipal mayor but run again as ‘city mayor’ when the municipality was upgraded to a city. In short, Topacio’s arguments are not even applicable to the situation of Sen. Koko Pimentel,” pahayag ng opisyal.

Comelec, wala pang timeline kung kailan ilalabas ang pasya sa petisyon vs Pimentel

Umaasa rin ang senador na ang naturang pasya ng SC ang magiging basehan ng Comelec para paboran ang kanyang kandidatura.

Walang ibinigay na timeline ang Comelec kung kailan ilalabas ang desisyon ukol sa petisyon laban kay Pimentel.

Pero sa rules ng Comelec, bago ang halalan may pasya na dapat ang En Banc sa mga inihaing disqualification cases.

https://youtu.be/bMgZYS35qNQ