Japanese Prime Minister Shinzo Abe dumalaw sa Mindanao Kokusai Daigaku

2017-01-13_1659
(Photo grabbed from RTVM video)

DAVAO CITY, Philippines (Eagle News) — Dumalaw ngayong araw, Enero 13, si Japanese Prime Minister Shinzo Abe, kasama ang kanyang maybahay na si Madam Akie Abe, sa Mindanao Kokusai Daigaku o Mindanao International College upang alamin at kumustahin ang nag-iisang Japanese school na nakatatag sa Davao City.

Tinatayang nasa mahigit-kumulang na 1,300 na mag-aaral mula elementarya hanggang highschool, at 400 naman ang mula sa Kolehiyo, kasama na ang mga tagapagturo at mga kawani ng paaralan, ang sumalubong sa mga mahahalagang panauhin.

Sa pagdating ng mag-asawang Abe, sabay-sabay na iwinagayway ng mga estudyante ang mga bandera ng Pilipinas at Japan, habang inaawit ang “It’s a small world” sa Japanese version nito.
Ang paaralan ng Mindanao Kokusai Daigaku ay pinapatakbo sa ilalim ng pamamahala ng Japanese descendants. Ito ay unang itinatag noong 2002 upang tulungan ang mga kabataang ulila at inabandona na ng kanilang mga magulang. Bagaman ito ay nakarehistro sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, obligado ang mga estudyante na pag-aralan ang Nihonggo, ang pangunahing lenggwahe ng mga Hapon.

Ayon sa Principal ng Institusyon, bagaman ito ay isang Japanese School halos 70 porsyento ng mga mag-aaral ay Pilipino; 25 porsyento ay mga Hapon at ang limang porsyento ng mga estudyante ay mula naman sa iba’t-ibang lahi.

Agad na sumalubong at nakipagkamay sa mga mag-aaral na naroon ang Prime Minister at ang asawa nito. Pagkatapos ng kanilang ‘meet and greet’ ay nagtungo sila sa isang Audio Visual Room (AVR) ng paaralan upang panoorin ang kasalukuyang ‘Nihonggo class’ ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

“Ang mga estudyanteng nagtapos sa Mindanao Kokusai Daigaku ay karaniwang kinukuha ng mga Multi-National Companies dahil sa angkin nilang husay sa pagsasalita ng Nihonggo,” dagdag pa ng kanilang Principal.

Kanina ay nakipagkita si Prime Minister Shinzo Abe sa mga Filipino-Japanese businessmen upang makipag-usap ukol sa matibay na relasyon ng bansang Japan at Pilipinas, Pagkatapos noon ay nagtungo sila sa isang Eagle Naming Ceremony.

Sa ngayon ay ito na ang nakatakdang huling aktibidad ng Japanese Prime Minister dito sa Pilipinas bago siya tumulak paalis ng bansa bukas.