Isang hinihinalang sniper ng Maute group, arestado matapos mag-amok at manutok ng baril

/Kuha ni Mar Gabriel/Eagle News Service/

Mar Gabriel
Eagle News Service

Nagwawala pa habang may bitbit na baril ang isang lalaki na hinihinalang miyembro ng teroristang grupo nang arestuhin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Police Intelligence and Operations Units sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Unday Macadato na umano’y sniper ng Maute Group na kasamang nakipagbakbakan sa main battle area sa Marawi City.

Natuklasan din ng mga awtoridad na pasok ang pangalan nang suspek na Martial Law Instruction No. 1 kung saan nakalista ang pangalan ng mga ipinaaarestong terorista.

Nabawi sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at isang granada.

Pero lumalabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police na walang plano ang suspek na maglunsad pag-atake sa Metro Manila.

Posible raw na nagtungo ito sa Maynila para magpalamig gaya ng mga naunang terorista na naaresto dito sa Maynila.

“Yun ang ginagawa nila dito, come here to rest and earn money. Yun ang front nila dito kaya hindi sila nangugulo dahil safe haven nila dito. Ang problema nanggulo sa area, hindi nagbebehave sa area nya. Napuna sya, kung hindi nagwala hindi pa napuna,” pahayag ni PNP Chief Oscar Albayalde.

Nahaharap naman ang suspek sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Patuloy namang minomonitor ng NCRPO ang aktibidad ng ilan pang terorista na posibleng nagtatago dito sa Metro Manila.

Umaasa din ang PNP na makakakuha sila ng karagdagdagan impormasyon mula sa naarestong suspek ukol sa mga posibleng kasamahan at kumukupkop sa kanila.