Isang American national patay sa pananaksak sa Caloocan City

CALOOCAN CITY, Metro Manila (Eagle News) – Nakahandusay at wala nang buhay ang isang American national makaraang pagsasaksakin sa loob ng inuupahan nitong bahay sa Caloocan City, nitong Martes, Hulyo 11.

Ang biktima na si James Budru ay wala nang suot na pang-itaas na damit at puno ng tama ng kutsilyo nang abutan ng may-ari ng inuupahan nitong kwarto sa PNR compound, Sangandaan, ala una ng madaling araw.

Ayon sa kwento ng landlady na si Marissa Silva, bandang alas 9:00 ng gabi ay lumabas ang biktima kasama ang isang lalaki.

Makalipas ang isang oras ay bumalik din ito sa bahay.

Pagsapit ng 1:00 ng madaling araw ay nagising na lamang siya dahil may kumakalabog sa kuwarto.

Maya-maya ay narinig niyang sumisigaw at humihingi ng tulong ang Amerikano.

Pagpasok niya sa kwarto ay patay na ito

Dalawang araw pa lang umanong nangungupahan ang Amerikano at nagpapaaral ng mga kabataan.

Ayon naman kay alyas Ning-ning, napakabait umano at malaking tulong sa kanilang pamilya ang biktima sapagkat pinapag-aral siya nito maging ang iba pang kabataan sa kanilang lugar.

Maliban sa cellphone ay wala nang nawalang gamit sa biktima.

Paulo Macahilas, Eagle News Service,