Ilang daanan sa Marcos Highway sa Antipolo, pansamantalang isinara dahil sa pagsasaayos ng LRT2

Photo courtesy of http://wikimapia.org/street/3706/Marcos-Highway-Marikina-Infanta-Highway-R-6
Photo courtesy of http://wikimapia.org/street/3706/Marcos-Highway-Marikina-Infanta-Highway-R-6

(Eagle News) — Inaabisuhan ang mga motorista na asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa Marcos Highway sa Antipolo City dahil sa pagsisimula ng konstruksyon ng Masinag Station ng LRT-2.

Isasara ang mga daanan mula Cornel Hospital hanggang SM City Masinag.

Magsisimula ito ngayong araw, ika-1 ng Hunyo, hanggang ika-13 ng Hulyo 2018.

Sa mga motoristang magmumula sa Sumulong Highway hanggang sa Cubao o C-5 Road, maaaring dumaan sa Bonifacio Avenue at Aurora Boulevard o sa Ortigas Avenue.

Ang mga manggagaling naman ng Cubao o C-5 Road ay maaaring tahakin ang A. Bonifacio at Sumulong Highway.

Maliban pa rito, sisimulan na rin ang konstruksyon ng Emerald Station malapit sa Sta. Lucia, Cainta, Rizal.

Ipinaliwanag ng Department of Transportation (DOTr) na kapag natapos na ang Masinag Station, madaragdagan ng apat na kilometro ang LRT-2, at mula sa tatlong oras, apatnapung minuto na lang ang magiging oras ng biyahe.