Ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite, mawawalan ng supply ng tubig

QUEZON City (Eagle News) — Makakaranas ng lima hanggang labing-apat na oras na water interruption ang ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite simula mamayang gabi, Hulyo 18.

Batay sa abiso ng Maynilad Water Services Inc., ang Barangay 167 at 168 sa Caloocan City ay limang oras na mawawalan ng supply ng tubig simula mamayang alas-11:00 ng gabi (July 18) hanggang alas 4:00 ng madaling araw bukas (July 19).

Sa Barangay 12 naman ay simula 11:00 ng gabi (July 18) hanggang 3:00 ng umaga bukas (July 19) ang naka-schedule na water interruption.

Sa Barangay Baesa sa Quezon City, mamayang alas 10:00 ng gabi magsisimula ang interruption at tatagal ito hanggang 4:00 ng umaga bukas (July 19).

Samantala, dahil sa isasagawang upgrading sa pipe network sa Alabang-Zapote road, makararanas din ng water interruption mula 6:00 ng gabi mamaya (July 18) hanggang alas 8:00 ng umaga bukas (July 19) ang mga Barangay Molino 1, 3, at 7, Queens Row Central, East at West, at ang San Nicolas 3 sa Bacoor Cavite; at ang mga Barangay Almanza Uno, Pilar, Talon Uno, Talon Tres, Talon Kuatro at Talon Singko sa Las Piñas City.

Ayon sa Maynilad, maaaring ma-delay pa ang panunumbalik ng water supply sa mga maaapektuhang barangay depende sa elevation ng lugar, layo ng lugar mula sa mga pumping station o sa dami ng gumagamit ng tubig.

Pinapayuhan ang mga mamamayan na nasa mga dako na apektado ng nasabing water interruption na mag-ipon na ng sapat na tubig na magagamit para sa mga oras na nabanggit.

Nangako naman ang pamunuan ng Maynilad na agad nilang ibabalik ang supply ng tubig sa oras na matapos ang kanilang repair, upgrade and maintenance work.