Heinous crime convicts, di kasama sa makakalaya sa GCTA law, ayon sa nilagdaang bagong IRR

https://youtu.be/1Dco0X2hyss

 

By Moira Encina
Eagle News Service

(Eagle News) — Hindi na kasama ang mga heinous crime convicts sa makakalaya sa ilalim ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance.

Ito ay batay sa bagong implementing rules and regulations ng GCTA law na nilagdaan na nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

Ni-rebisa ng binuong joint Department of Justice (DOJ)-Department of Interior and Local Government (DILG) committee and IRR ng GCTA law kasunod ng kontrobersya sa mga heinous crimes convicts na maagang napalaya at nakatakdang makalaya dahil sa naturang batas.

Isa sa mga nilinaw at inisa-isa sa bagong IRR ay ang apat na klasipikasyon ng presong disqualified sa benepisyo ng GCTA law gaya ng mga heinous crime convicts, escapees, habitual delinquents at recidivists.

Tinukoy din sa bagong IRR kung anu-ano ang mga heinous crimes.

Nakalista bilang heinous crimes sa ilalim ng RA 7659 ang mga sumusunod:
• Treason
• Piracy in general and mutiny on the high seas in Philippine waters
• Qualified piracy
• Qualified bribery
• Parricide
• Murder
• Infanticide
• Kidnapping and serious illegal detention
• Robbery with violence against or intimidation of persons
• Destructive arson
• Rape
• Importation, distribution, manufacturing and possession of illegal drugs

Ayon kay Guevarra, pinagbatayan ng depinisyon ng heinous crimes kung ano ang nakasaad sa death penalty law gaya ng murder, kidnapping, rape at drug related cases at ang mga jurisprudence ng Supreme Court ukol sa mga karumal-dumal na krimen

May inilagay ding guidelines sa IRR ukol sa komite na nag-i-iscreen at nag-e-evaluate ng mga bilanggo para sa GCTA

Partikular na tinukoy na dapat kasama ang DOJ at mga acccredited civil societies group sa screening committee

Naglagay din ng transparency provision kung saan kailangang i-post sa website ng Bureau of Corrections at ng Bureau of Jail
Management and Penology (BJMP) ang pangalan ng mga preso na entitled sa time allowances.

Magkakabisa ang bagong IRR pagkaraan ng 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan.

Tiniyak pa ni Guevarra na hindi na makakasama si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez sa makikinabang sa ilalim ng bagong GCTA law.

May makukuha pa rin naman na credits sa good conduct si Sanchez at ang iba pang preso na nakulong bago ang maisabatas ang GCTA law noong 2013, pero ito ay sa ilalim na ng Revised Penal Code kung saan makakkuha sila na maliit na credits.

Bagamat tapos na ang IRR, binigyan naman ng karagdagang 60 araw ang joint DOJ -DILG committee para kumpletuhin ang pagrebyu at pagrepaso sa operating manual sa pag-compute sa ibinibigay na time allowances.

Inihayag pa ni Guevarra na pwede nang i-proseso at makalaya ang mga presong walang isyu sa kanilang time allowances.