Grab, nanganganib suspendihin ng LTFRB dahil umano sa price surge

(Eagle News) – Nanganganib na suspindihin din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Grab dahil sa sobrang taas umanong maningil ng pamasahe.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, nakatanggap sila ng mga reklamo na tila sinasamantala ng kumpanya ang mataas na singil sa pamasahe matapos masuspinde ang kalabang Uber.

Sinuspinde ng LTFRB ang Uber dahil sa paglabag nito sa kautusang nilabas nito noong Hulyo na huwag muna tumanggap ang kumpanya ng mga drayber at sasakyan na iaaccredit.

Sinabi ni Delgra na minomonitor na nila ang Grab dahil sa ipinatutupad na price surge lalo kapag traffic, malakas ang ulan o kaya naman ay kapag oras na ng labasan sa mga opisina at mga eskuwelahan.

Pinagsabihan na aniya nila ang Grab na sundin ang inaprubahang price cap noong December 27, 2016.

Hindi aniya dapat lumampas sa doble ang halaga ng basic fare na sisingilin sa kanilang mga pasahero.

https://youtu.be/lw5jnKCKaho