Grab at Uber, gagayahin na rin ng mga taxi operator

MANILA, Philippines (Eagle News) — Gagaya na ang taxi industry sa mga app based transport network company (TNC) tulad ng Uber, Grab at U-Hop.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Martin Delgra, tinatrabaho na ng mga operator ng taxi na lumikha ng isang mobile application na puwedeng gamitin ng sinumang taxi driver sa buong bansa.

Sinabi ni Delgra na nakipag-dayalogo na sila sa mga taxi operator at nagkaisa na ito na magkaroon ng mobile app katulong ang isa pang kompanya na ilalabas sa darating na Oktubre.

Pinayuhan ni delgra ang mga taxi operators na gayahin ang app ng Uber, Grab at U-Hop kung saan pwedeng magpa-book ang mga pasahero at klaro ang pamasahe at destinasyon.

Sa ganitong paraan aniya, maiiwasan na ang tawaran at awayan ng mga taxi driver at mga pasahero nito.

Una nang sinabi ng LTFRB na ang pangongontrata at mga isnaberong mga taxi driver ang nangungunang reklamo ng mga pasahero.