GMA 7 reporter Dailisan, nabiktima ng basag-kotse gang

 

(Eagle News) — Nabiktima ng “basag-kotse gang” ang news reporter na si Steve Dailisan sa Quezon City.

Binasag ang salamin ng passenger side ng sport utility vehicle ni Dailisan pasado alas nuebe noong Sabado sa tapat ng Dr. Jesus Delgado Memorial Hospital sa Kamuning Road.

Ayon kay Dailisan, bumisita lamang siya sa ina ng kanyang kaibigan na nakaconfine sa nasabing ospital nang basagin ng mga suspek ang salamin ng kanyang sasakyan.

Ilan sa mga natangay ng mga suspek ay ang dalawang bag na may lamang laptop, gadget, cash at iba pang mga kagamitan na nagkakahalaga ng halos 250,000 pesos.

Ayon sa isang saksi, dalawang lalaki umano na nakasakay sa isang itim na motorsiklo ang bumasag at kumuha ng mga kagamitan ni Sailisan sa SUV.

Nakita pa raw ng mga guwardiya ng mga ospital ang mga suspek habang isinasagawa ang pagnanakaw ngunit hindi sila sinita dahil hindi naman raw nila lugar ang pinangyarihan ng insidente.

Samantala, kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Quezon City Police Station 10 laban sa mga suspek.