DOF: 40% lamang ng PUJ drivers ang nabigyan ng fuel subsidy

(Eagle News) — Umaabot lamang sa 40 percent ng beneficiaries ng pantawid pasada program ng pamahalaan ang nabigyan ng P5,000 fuel subsidy kaugnay sa epekto ng Tax Reform for Acceleration for Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay Finance Usec. Karl Kendrick Chua, sa kanilang tala noong Oktubre 22 ay umaabot lamang sa 56,154 jeepney franchise holders mula sa kabuuang 142,000 ang nakinabang sa nasabing programa.

Ipinaliwanag ng opisyal na documentation ang siyang pangunahing dahilan kung bakit hindi nabigyan ng sapat na ayuda ang ilang mga operator at tsuper ng jeepney.

Binatikos naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagkakamali ng pamahalaan dahil mabilis umanong nangolekta ng excise tax ang DOF pero bigo naman silang maibigay ang dagdag na benepisyo sa mga tunay na pinaglaanan nito.

Ipinaliwanag naman ni Chua na naging maingat lamang ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng programa kaya kailangan na magpakita ng mga kinakailangang dokumento ang mga beneficiaries.

https://youtu.be/BKgQF3HDE80