DBM Sec. Diokno, tanggap ang inihaing petisyon sa SC para sa dagdag-sahod ng gov’t workers

Tinanggap ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang inihaing mandamus petition sa Korte Suprema kaugnay sa paglalabas ng ika-apat na tranche ng salary hike ng gobyerno.

Ayon sa kalihim, mainam aniya ito para maresolba na ang nasabing usapin.

Tugon ito ng kalihim matapos maghain si House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa Supreme Court ng petition for mandamus para utusan ang DBM na ibigay na ang ang salary hike para sa mga kawani ng gobyerno.

Gayunpaman, nanindigan ang kalihim na bago maibigay ang sinasabing salary hike ay kailangan umanong ipasa muna ng Kongreso ang 2019 budget na pagkukunan ng General Appropriations Act (GAA).

Ang nasabing batas ang magiging ligal na basehan sa pagpapatupad ng fourth tranche.

Sa pagtataya ng DBM, kabuuang 45 hanggang 50 bilyong piso ang gugugulin para sa fourth tranche ng wage hikes para sa mga kawani ng gobyerno.

Samantala, sa ngayon pinaghahandaan na ng DBM ang magiging tugon nito sa petition for mandamus na inihain sa Korte Suprema.