Dayan, umaming limang beses tumanggap ng pera kay Kerwin para kay Sen. De Lima

Matapos madakip nitong Martes, humarap na ngayon sa pagdinig ng kamara si Ronnie Dayan …na sinasabing dating driver-bodyguard at lover ni Senadora Leila De Lima.
Kinumpirma ni Dayan ang pagtanggap niya ng pera mula kay Kerwin Espinosa na aniya ay para sa senadora.
Limang beses aniya itong nangyari nang DOJ secretary pa si De Lima.
May ilang testimonya naman si Dayan na kinwestyon ng mga mambabatas.
Panoorin ang detalye sa report ni Jerold Tagbo mula sa Kamara:

https://www.youtube.com/watch?v=8KfgfzVl5-c

Sa pagdinig ng House Committee on Justice sa kalakaran ng iligal na droga sa new bilibid prison, inilahad ni Ronnie Dayan ang kanyang pakikipagkita kay Kerwin Espinosa.
Sa binasa nitong salaysay, limang beses na tumanggap ng pera si Dayan mula kay Espinosa sa magkakahiwalay na okasyon noong 2014.
Una ay noong agosto na sinundan ng oktubre habang tatlong beses na nagkaabutan ng pera noong nobyembre ng nasabing taon.
Sa pang-apat na pagkikita nina Dayan at Espinosa, nangyari ang transaksyon sa isang parking lot sa mall of asia.
Hindi raw nya alam kung magkano ang iniaabot na salapi sa kada bigay ni Espinosa at sinasalat na lamang daw nya ang iniaabot na bag.
Sa nasabi rin pagkakataon, ninais ni Espinosa na makipagkita sa senadora.
Kaya napagkasunduan na magkita ang mga ito sa Baguio City kasama na si De Lima.
Sinabi rin ni Dayan na hindi nya kilala ang mga bilibid inmate na sina Rodolfo Magleo, Engelbert Durano, Jovemcio Ablen at Renante Diaz.
Ito’y kahit ilang beses na aniya siyang nakapunta ng New Bilibid Prison.
Kilala raw niya si Herbert Colanggo subalit hindi pa raw nya ito nakikita ng personal.
Itinanggi rin na kilala nito si Chief Insp. Jovie Espinido at hindi pa raw sila nagkita nito.
Pinabulaanan din ni Dayan na tumanggap ng pera mula kay dating Bureau Of Corrections Officer-In-Charge Rafael Ragos.
Ginamit lamang siya ni Ragos bilang “tulay” kay De Lima upang maitalaga ito bilang bucor chief.

Sa testimonya ni Ragos noong Setyembre, sa parehas na komite sa kamara, na dalawang beses daw ito na nag-deliver ng P5 million sa bahay ni De Lima sa Parañaque noong Nobyembre at Disyembre 2012.
Ayon kay Dayan, hindi niya alam na pera pala ang iniaabot ni Ragos sa kanila ni De Lima.
Ang ikalawang pagkakataon naman umano ay noong may inabot si Ragos na isang plastic bag na may laman na parang kahon daw ng sapatos.
Sa kabila ng mga nasabing testimonya, ilang mambabatas ang hindi kumbinsido dahil sa hindi pagkakatugma ng mga pahayag ni Espinosa at ni Dayan.
Pinuna ni Mindoro Oriental Congressman Salvador Leachon at Congressman Max Rodriguez ang ilan sa mga pahayag ni Dayan.
Tulad na lamang ng hindi direktang pagdawit ni Dayan kay De Lima sa isyu ng drug trade sa bilibid at hindi nito pag-alaman sa kung magkano ba ang halaga na iniaabot kay De Lima.
Bukod pa rito ang pahayag na hindi nya alam ang tunay na katayuan sa buhay ni Espinosa.
Paulit-ulit na sinabi ni Dayan na napag-utusan lamang siya ng senadora na pumunta kay Espinosa.
Sa pagdinig kahapon sa senado, sinabi ni Espinosa na mula 2015 hanggang Pebrero ngayong taon, nagkaroon sila ng pag-uusap ni Dayan.
Sa harap ng pagdududa sa testimonya, inihayag ni PNP Chief Bato Dela Rosa na kailangang pag-aralan pang mabuti ang mga testimonya ni Espinosa at ni Dayan.
Samantala, pinagtibay ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagkakaloob ng immunity kay Dayan.
Isasailaim na rin ito sa provisional admission sa witness protection program.