Dating news editor at kapatid nito, patay sa ambush sa San Juan City

SAN JUAN CITY, Metro Manila (Eagle News) – Nasawi sa pananambang ang isang dating newspaper editor at kapatid niyang negosyante sa San Juan City noong Huwebes ng gabi, August 4.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula  ang mga biktima na si Christopher Marasigan na isang negosyante, at kapatid niyang si Mike na dating taga-media at ngayo’y consultant ng Department of Finance.

Base sa salaysay ng mga nakasaksi sa insidente, nakasakay ang magkapatid sa isang metallic gray na CC5 Mazda na may plakang WOU 583  sa kanto ng V. Cruz at Barcelona Streets pasado 6:00 ng gabi nang ilang beses pagbabarilin ng dalawang suspek ang sasakyan ng mga biktima.

Hindi pa naman natutukoy ang mga suspek, na parehong nakasakay sa motorsiklo na walang plaka.

Dead on the spot si Mike, habang nadala pa sa San Juan Medical Hospital si Christopher ngunit kalaunan ay nasawi rin ito.

Ayon naman kay Senior Supt. Lawrence Coop, narekober ng mga pulis ang 34 na basyo ng bala, apat ay mula sa caliber .45 na baril, habang ang 30 naman ay mula sa 9mm.