Dalawa pang bus terminal, inisyuhan ng closure order ng MMDA

(Eagle News) — Matapos masampulang maipasara ang ilang terminal ng bus sa EDSA Quezon City, dalawang terminal naman ang inisyuhan ng closure order ng mga awtoridad kamakailan.

Unang nabulaga ang provincial bus terminal ng Pamar at Bragais nang inisyuhan ng closure order ni Metropolitan Manila Development Authority Chair Danilo Lim kasama ang Pasay Business Processing and Licensing Office dahil sa wala umano itong business permit at hindi ito kumo-comply sa “Nose In, Nose Out Policy.”

Mga bus company, matagal nang pinagbigyan; nagsawa na sa kabibigay ng warning – MMDA

Giit pa ni Lim, mahabang panahon na raw pinagbibigyan ang kumpanya at nagsasawa na rin sa kakabigay ng warning sa mga ito.

Matapos maipataw ang closure order ay inatasan ang pamunuan ng mga bus company na alisin ang mga naka-terminal na unit ng bus.

Sumunod ang bus terminal ng St. Jude at San Rafael na inisyuhan ng  closure order bagamat nadatnan na walang mga nakaparadang bus.

3 bus unit, dinala sa impounding area ng MMDA sa kasong out of line

Samantala, tatlong unit naman ng provincial bus ng Don Aldrin ang inimpound ng MMDA dahil sa kasong out of line ang mga ito, matapos madatnan na nagsasakay at nagteterminal parin ang mga ito sa EDSA Pasay.

Hanggang August 1 lang kasi ang ibinigay na palugit ng MMDA para lumipat ang mga bus sa South West Integrated Bus Terminal.

Nagbabala muli ang MMDA sa lahat ng mga provincial bus company na ipasasara ang mga ito kapag hindi tumalima sa Nose In, Nose Out policy.