Comelec mahigpit na imomonitor ang social media at online ads ng mga kandidato para sa 2019 elections

(Eagle News) — Hihigpitan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagmomonitor sa social media at online advertisements para sa 2019 midterm elections.

Batay sa Comelec Resolution 10488, dapat nang iparehistro ng mga kandidato at political party sa education at information department ng Comelec, ang lahat ng kanilang website at social media page na ginagamit o gagamitin sa kampanya.

Ito ang unang beses na i-re-regulate ng Comelec ang mga campaign blog at social media post ng bawat kandidato.

Ikinukonsidera kasi ng poll body na karagdagang campaign blogs o pages, ang mga blog o social media page na hindi direktang pinangangasiwaan ng isang partido o kandidato subalit nag-eendorso naman ng kandidato o partido.

Una nang tiniyak ni comelec Spokesman James Jimenez, na hindi naman i-re-regulate sa bagong polisiya ang content ng social media bagkus ay nais lamang nilang matiyak ang maayos na halalan.

https://youtu.be/ipT722h2sT8