Ciudad de Victoria Interchange sa Bocaue, Bulacan, pinasinayaan

Ni Eden Santos
Eagle News Service

(Eagle News) — Sisimulan na ang konstruksyon ng Ciudad de Victoria Interchange na umano’y sagot sa matinding traffic sa ilang bayan sa Bulacan.

Ito ay matapos ang ground breaking ceremony na isinagawa sa Philippine Arena Ciudad De Victoria sa Bocaue, Bulacan na pinangunahan nina kapatid na Glicerio Santos Jr. General Auditor ng Iglesia Ni Cristo, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar, at dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Kasama din sa isinagawang ground breaking ceremony ang iba pang kongresista, si Senator Joel Villanueva at mga lokal na opisyal ng Bulacan kasama ang mga kinatawan mula sa Metro Pacific Tollways Corporation sa pangunguna ni Manny Pangilinan.

Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, ang nasabing proyekto ay inaasahang magiging long-term solution sa matinding problema sa trapiko at mahabang pila ng mga sasakyan sa Bocaue interchange.

Aniya, batid ng mga taga-Bulacan ang pangangailangan para sa alternatibong daan bunsod ng mabigat na trapiko sa kahabaan ng Governor F. Halili Road sa Sta. Maria, Bulacan.

Kabilang din sa makikinabang sa nasabing proyekto ang Pandi, Norzagaray, San Jose Del Monte at Marilao.
Magsisilbi ring suporta ang Ciudad De Victoria Interchange para lalong mapaunlad ang economic activities at industriyalisasyon sa bayan ng Sta. Maria at Bocaue sa Bulacan.

Ito aniya ay bahagi pa rin ng “Build, Build, Build program” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P635 million para sa konstruksyon ng four-lane road na kukonekta sa Manila North road at sa Sta Maria-Bocaue Bypass Road na dumadaan sa matrapik na Governor F. Halili Road via Ciudad De Victoria.

Dagdag pa ng kalihim, magsisilbing Entry/Exit toll gate ng North Luzon Expressway ang Ciudad de Victoria Interchange.

Ang project contractor ng Ciudad De Victoria Interchange ay ang L.R. Tiqui Builders.

Inaasahang makukumpleto sa Nobyembre 17, 2019 ang proyekto na gagawin sa loob ng 300 araw.

Sinabi naman ni Maligaya Development Corporation Chief Operating Officer Atty. Glicerio Santos IV na tamang-tama ang timing ng nasabing proyekto para sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Philippines Arena.

Suportado naman ng liderato ng kamara ang nasabing proyekto na lalong magbubukas ng turismo sa lugar.

Para kay Senator Joel Villanueva, makasaysayan ang event na ito dahil matagal ng pangarap ng mga Bocaueño ang proyektong ito.

Sa katunayan aniya ay mahigpit niyang binantayan sa Senado ang budget para rito upang matiyak na matutuloy ang proyekto.

Sa Oktubre ng taong ito inaasahang matatapos ang first phase ng interchange na inaasahang magreresulta sa lalong pagiging accessible ng Philippine Arena na gaya ng sabi ng Maligaya Development Corp., ay magsisilbing host sa grand opening ceremony ng SEA Games sa Nobyembre ng taong ito.

Ang Philippine Arena na world’s largest indoor arena ay may maximum seating capacity na 55,000. (Eagle News Service Eden Santos)