Chinese official, pinulong ni Pangulong Duterte sa isyu ng weapons system ng China sa West PHL Sea

MANILA, Philippines (Eagle News) — Matapos magpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa paglalagay ng mga weapon system ng China sa mga artipisyal na isla sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, nagpulong sina Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin at Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanañg.

Hindi na idinetalye pa ng mga opisyal ng Palasyo ang napag-usapan sa nasabing pagpupulong.

Pero ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mismong ang Chinese official ang nag-request ng pakikipagkita sa Pangulo.

Kinumpirma rin ni Abella ang una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na ang pagbisita ng Chinese official ay bahagi lamang ng “Political Consultations”.

Una nang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa paglalagay ng weapon system nito sa ilang man-made island sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.