Bulgarian national na nasangkot sa ATM skimming, patay sa pamamaril

QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Bumulagta sa kalsada ang isang Bulgarian national habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa Quezon City.

Pinagbabaril si Orlen Stoey, 38, ng riding in tandem bandang 10:00 ng gabi noong Huwebes, Hulyo 6.

Nasangkot na ang Bulgarian national nitong nakaraang buwan sa ATM skimming sa Quezon City., at naaresto dahil sa pag-clone ng 55 ATM cards.

Narekober din sa kaniya ang mahigit Php50,000 cash.

Ayon sa isang saksi sa insidente, isang dilaw na motorsiklo na walang plaka na may sakay na dalawang lalake ang dumaan sa biktima habang binabaybay nito ang kanto ng Kalayaan Avenue at Kamias Road.

Hindi nagtagal ay nakarinig na siya ng dalawa hanggang apat na putok ng baril.

Dito na bumulagta ang biktima sa harapan ng isang fastfood chain sa lugar.

“Napansin ko may motor tapos magka-angkas eh… tumakbo going EDSA naka-helmet eh… lahat sila ay nakahelmet eh… mabilis, mabilis mabilis umano… may iniwasan pa nga silang jeep diyan eh kasi nakaparada diyan nagbababa siguro ng pasahero. Tapos takbo paganun,” pahayag ng saksi.

Narekober sa biktima ang isang alien certificate o tourist ID.

Narekober naman sa crime scene ang apat na basyo ng calibre 45 na baril.

Samantala kasalukuyan nang iniimbestigahan ang motibo sa pagpatay sa Bulgarian national.




(Earlo Bringas – Eagle News Service)