Bilang ng nasawi dahil sa Bagyong ‘Usman’ umakyat pa sa 78 – NDRRMC

(Eagle News) — Patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng bagyong Usman.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa Mimaropa, Bicol Region, at Eastern Visayas ay pumalo na sa 78, 15 naman sa kanila ang injured at 21 ang patuloy na nawawala pa rin.

Bukod dito, apektado rin ang daloy ng trapiko sa ilang apektadong lugar dahil 95 road sections at tatlong tulay ang hindi pa rin madaanan dahil pa rin sa epekto ng bagyong Usman.

Dagdag pa ng NDRRMC, 99 na lugar na sinalanta ng naturang bagyo ay nananatiling baha.

Ayon naman sa datos ng mga otoridad, nasa 45,348 families o 191,597 katao sa 457 barangays ang apektado ng bagyong Usman.

Sa kabuuan, 170 evacuation centers naman ngayon ang ginagamit at nagsisilbing pansamantalang tirahan ng 6,637 displaced families o 24,894 katao.