Babae, patay matapos pagbabarilin sa loob ng bahay ng dati nitong kasintahan sa Caloocan City

Suspek na pulis, nagpakamatay

CALOOCAN CITY, Philippines (Eagle News) — Patay ang isang babae matapos na barilin siya mismo sa loob ng kanyang apartment unit sa Caloocan ng dati niyang kasintahan kagabi, Mayo 8.

Nakilala ang biktima na si Lyka Jane Arciaga, 27 anyos, isang guro sa paaralan.

Ayon kay Camilo Cascolan, hepe ng National Capital Region Police Office, nagpunta sa bahay ng biktima sa Kaunlaran Village, Brgy 22, ang suspek na si P01 Danilo Roa para makipagbalikan ngunit hindi na pumayag ang babae.

Aabot anila sa limang putok ng baril ang nadinig ng mga residente sa lugar.

Nang mapasok ng mga otoridad ang tahanan ng biktima tumambad sa mga ito ang duguang katawan ni Arciaga kasama na din si Roa, na pinaniniwalaang nagpakamatay matapos niyang barilin ang dating kasintahan.

Sa kwento ng pinsan ng biktima ilang oras bago mangyari ang krimen nakatanggap siya ng litrato na sinend mismo sa kanya via Messenger ni Arciaga, kung saan makikita ang suspek na nakahiga sa kama at may hawak na baril.

Sinabi daw ni Arciaga na natatakot daw ito sa mga ikinikilos ng dati nitong kasintahan.

Hindi naman matanggap ng iba pang kaanak ng biktima ang nangyari sa biktima.

Ayon sa NCRPO, maituturing ang nasabing krimen na crime of passion. Earlo Bringas