Australian national na suspek sa drug trafficking, arestado ng NBI

(Eagle News) — Matapos ang halos dalawang taon ng pagtatago, inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang Australian national sa kasong illegal drug trafficking.

Kinilala ng NBI ang suspek na wanted sa Australia bilang Markos Scott Turner.

Kilala rin aniya siya sa pangalang Filip Novak.

Ayon sa mga otoridad, nakalabas ng Australia ang suspek sakay ang kaniyang yate.

Pero sa tulong ng makabagong teknolohiya ay natunton si Turner sa Samal Island sa Davao City.

Bago rito ay nakipag-ugnayan  ang Australian Government sa Department of Justice upang makapaglabas ng provisional arrest laban kay Turner.

 

Matatandaan na noong 2009 at 2011 ay nakipag-ugnayan si Turner sa Colombian nationals upang maipasok ang 71.6 na kilo ng cocaine upang ibenta sa Australia.