Apat katao, sugatan sa nangyaring aksidente sa Roxas Boulevard

MAYNILA, Philippines (Eagle News) – Wasak ang helmet, nagtamo ng mga galos sa tuhod at balikat ang isang motor rider matapos makabangaan ang isang tricycle sa may Quirino Corner Roxas Boulevard sa Maynila nitong Huwebes ng madaling araw, August 24.

Ayon sa rider na si Kim Bolatao, galing siya ng Pasay City at patungo na sana sa Binondo, Maynila upang pumasok sa trabaho nang maaksidente dahil biglang kumaliwa papuntang Taft Avenue ang tricycle na minamaneho ng isang menor de edad na lalaki.

“May susunduin po ako… stop po dapat sila kasi pakaliwa po sila at naka go po kami. Eh, biglang kumaliwa beating the red light po siya kaya yon na sumalpok na bigla… Tatlo po sakay… ang alam ko po ang driver lang (dinala sa hospital) kasi ang driver nun ay natutulog na… Bata (driver ng tricycle) pa daw po sabi ng nanay niya wala pa daw lisensiya”, pahayag ni Bolatao.

Isinugod ang driver ng tricycle maging ang dalawa pang pasahero nito sa Ospital ng Maynila makaraang magtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Bahagya ding bumigat ang daloy ng trapiko sa lugar dahil sa aksidente.

Ayon sa Manila Traffic Bureau, bawal dumaan sa kahabaan ng Roxas Blvd ang mga tricycle kung kaya patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring aksidente.

Paulo Macahilas – Eagle News Service