American national na dawit sa sexual exploitation sa ilang kabataan sa PHL, arestado

(Eagle News) — Paglapag pa lamang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ay hinarang na ng mga operatiba ng Philippine National Police Women’s and Children Protection Center (PNP- WCPC) ang limampu’t walong taong gulang na American national na nakilalang si Robinson Hoyt Alderman.

Ito’y matapos syang itimbre ng US Homeland Security sa PNP dahil sa umano’y plano ng suspek na magsagawa ng sexual exploitation sa bansa.

Ang impormasyon na ibinigay US-HSI ay mula umano sa isang social media provider kung saan naka detalye ang pakikipag-usap ng suspek sa mga biktima na pawang mga menor de edad.

Nakasaad din dito ang kanyang mga gagawin kasama na ang re-enactment ng ilang eksena sa controversial movie na “Fifty Shades of Grey.”

Nakuha sa kanyang mga bagahe ang sandamakmak na cellphone, dalawang laptop at iba’t-ibang uri ng sex toys at pills na ipaiinom daw ng suspek sa kanyang mga biktima.

Nailigtas din ng WCPC ang tatlong menor de edad na mabibiktima sana ng suspek kabilang ang dalawang 15 taon gulang at isang 14 na taong gulang na babae.

Sinampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Human Trafficking Law ng walang inirerekomendang piyansa at may katapat na parusa na habang-buhay na pagkakakulong at multa mula isa hangang limang milyong piso.

Mula 2015, umabot na sa 3,233 na biktima ng human trafficking ang nailigtas ng WCPC habang 657 na suspek ang nahuli at 486 na kaso na ang kanilang naisampa sa korte.