Alkalde ng Parañaque, kinasuhan ng graft at plunder sa Ombudsman

(Eagle News) — Sinampahan ng dalawang kaso sa Office of the Ombudsman si Parañaque Mayor Edwin Olivares.

Inihain ni dating Parañaque local government unit official Jonathan Bernardo ang mga kasong graft and corruption at plunder laban kina Parañaque Mayor Edwin Olivares kasama ang Sangguniang Panglunsod at treasurer nito.

Inakusahan ni Bernardo si Mayor Olivares ng katiwalian dahil sa mga aniya’y hokus-pokus na mga transaksyon nito sa lungsod kasabwat umano ang Sanggunian.

Aniya, pinaburan ng mga opisyal ang Wenceslao Contruction Group dahil sa umano’y pagiging  malapit nito sa alkalde. Aabot raw sa kalahating bilyong piso ang nawawala sa kaban ng lungsod dahil dito.

Mayor Olivares, dalawang beses nang inireklamo sa Ombudsman

Ito na  ang pangalawang reklamo na inihain ni Bernardo laban kay Olivares at sa city treasurer kaugnay naman sa pagmamaniobra umano ng tax assessment ng isang private company.

Nilinaw ni Jonathan Bernardo na walang bahid-politika ang pagsasampa nito ng reklamo sa Ombudsman.

Matibay raw ang mga hawak nitong mga ebidensya laban sa mga inaakusahan.