https://www.youtube.com/watch?v=-OxTMfU1E9k
Ni Moira Encina
Eagle News Service
(Eagle News)- Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat na mayroon itong mga aktibong tauhan na umaakto bilang escort para makapasok sa bansa ang “dirty money” na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.
Sa isang forum sa Maynila, sinabi ni AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) para linawin ang isyu.
Ipinaliwanag anya ng BOC sa AFP na wala silang direktang sinabi na dawit ang ilang military personnel sa pag-smuggle ng foreign money sa bansa.
Pero batay anya sa inisyal na impormasyon ng BOC ang mga indibidwal na nag-e-escort sa mga sindikato para makalusot ang “dirty money” ay pawang mga retiradong miyembro ng PNP at AFP na namamasukan sa mga security agencies.
“Nire-review nila ngayon yung kanilang footage ng CCTV upang makita yung mga mukha nitong mga taong ito. But off-hand, their raw information itong mga sumalubong na ito ay retired members of the PNP and the AFP who are now employed by security agencies. So malinaw po yan wala pong miyembro ng Armed Forces of the Philippines na active, even retired, it’s still being verified,” ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Arevalo.
Tiniyak naman ni Arevalo na walang tauhan ng AFP na magiging bahagi ng money smuggling.
Kung mayron man na mapapatunayan na miyembro ng militar na dawit sa nasabing kriminal na aktibidad ay aalisin nila ito sa kanilang hanay at papatawan ng karampatang parusa.
“Hindi po natin sasayangin lahat yan tiwala ng ating mga kababaytan kung ganito pong may isang sundalo o dalawa na masasangkot sa ganitong illegal activity. Should there be one or two or any number na mapatutunayan natin based from our further and deeper investigation na mayroon nga, they do not deserve a second more in the Armed Forces. We will throw them the weight of all our books, our regulations and the military justice system.” sabi pa nya.
Samantala, ikinatuwa ng AFP ang mataas na satisfaction rating na nakuha nito mula sa pinakahuling SWS survey sa huling quarter ng 2019.
Ayon sa SWS, nakakuha ang AFP ng 75% na satisfaction rating kung saan pinakamalaking parte nito ay nagmula sa Visayas at Mindanao.
Batay sa survey, 62% satisfaction rating naman ang nakuhang grado ng AFP sa tanong ukol sa pag-depensa nito sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea.
Sinabi pa ni Arevalo na ipinapakita lang nito na sa kabila ng mga paninira ng mga terorrist at communist groups ay nakikita ng mga tao na ang militar ay katuwang para makamit ang kapayapaan at maidepensa ang bansa laban sa mga kaaway at hindi kalaban ng karapatang pantao.
“Ito po ay sa performance ng pagganap ng tungkulin ng bawat isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines your soldiers, your airmen, your sailors, and your marines sa kanilang ginawang pagtupad sa kanilang mahalagang misyon sinabi nga po all across all spectrum ano po? Sabi nga nabanggit nga ng ating pangulo na ang AFP nga daw po ay kumbaga all around kung pwedeng tawagin. Kung may disaster, may sunog, may terorismo, may terorista, may lumubog na barko, may nalibing sa tunnel ng mga minahan lahat po, whom you gonna call is the Armed Forces of the Philippines,” dagdag pa nya.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi kinumisyon ang AFP ang survey para i-advertise ang kanilang hanay dahil wala silang pondo rito.
“Napakahalaga kung hindi man walang kasing halaga, una bilang defenders and protectors of the country, napakahalaga po ang tiwala at paniniwala ng ating mga kababayan, na kaya naming tupdin ng maayps at tama ang aming mahalagang misyon sa ating mga kababayan sa ilalim ng umiiral na konstitusyon,” aniya.





