Rehabilitasyon ng Manila Bay, nagsimula na; 3 establisyemento binigyan ng notice of violation

(Eagle News) — Sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng Manila Bay na isinagawa nitong Linggo, Enero 27, tatlong establisyemento kaagad ang nasampulan ng Department of Environment and Natural Resources at ng Laguna Lake Development Authority matapos na bigyan cease and desist order o notice of violation dahil sa pagtatapon ng maruming tubig sa karagatan ng Manila Bay.

Mismong si DENR Secretary Roy Cimatu ang nanguna sa paghahain ng notice of violations sa mga naturang business establishment.

Unang inisyuhan ng cease and desist order ang Aristocrat Restaurant sa Malate Maynila, sunod ang Gloria-Maris at Esplanade.

Tiniyak ng DENR na masususpinde ang environmental compliance certificate at mayor’s permit ng mga nabanggit, sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government.

Sa 258 na establisyemento na nakapaligid sa Manila Bay, 50 na dito ang compliant, habang nasa 120 dito ay kulang sa water treatment facilities o may paglabag sa environmental laws kaugnay ng pagtatapon ng sewage waste.

Bukod pa dito ay anim na establisyemento ang binigyan pa ng notice of violation dahil sa kawalan ng maayos na water treatment facilities.

Ang iba pang establisimyento gaya ng mga hotel na nakitaan din ng mga paglabag, ay sasailalim pa sa validation.

Target ng DENR na mapababa ang coliform level sa Manila Bay, na nadiskubreng nasa 1.3 billion most probable number.

Sasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ang Manila Bay at magiging mahigpit ang DENR at mga kasama pa nito lalo na sa mga establisyemento at mga lugar na malapit sa Manila Bay na posibleng nagtatapon pa ng maruming tubig dito.

Nagbabala naman ang DILG laban sa mga lokal na pamahalaan na mapapatunayang nagpabaya kaya nasira ang Manila Bay.

Nagsama-sama ang iba pang sangay ng gobyerno, mga environmentalist at mga non-government organizations kahapon sa isinagawang launching ng Manila Bay Rehabilitation.

Tinatayang aabot sa limang libong katao ang dumalo sa nasabing aktibidad na may temang “Battle for Manila Bay.” (Eagle News Service Earlo Bringas)