Ikatlong petisyon vs. martial law extension sa Mindanao, inihain sa SC

(Eagle New) — Isa pang petisyon ang inihain sa Korte Suprema na kumokontra sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Sa naturang petisyon ng mga Lumad teacher sa kataas-taasang hukuman, nais nilang muling ipa-repaso ang tinatawag na sufficiency of the factual basis sa martial law extension sa Mindanao.

Ayon sa abogado ng grupo na si Atty. Jose Manuel Diokno, walang nagaganap na rebelyon at invasion o pananakop sa Mindanao na siyang batayan upang magdeklara ng batas militar.

Dagdag pa ng abogado mismong ang mga kliyente nilang Lumad teachers ang nakakaranas ng pang-aabuso sa karapatang pantao.

Dulot aniya ng militarisasyon sa lugar, tinatakot at ipinapasara ng mga militar ang mga eskwelahan kung saan nagtuturo ang mga Lumad teachers.

Kwento ni Jenny Rose Hayahay isa siya sa personal na nakaranas ng pang-aabuso ng mga militar sa kanilang lugar sa Davao Nel Norte.

Ilan pa aniya sa mga kasama niyang Lumad teacher ang dinukot ngunit kalaunan ay pinakawalan rin.

Pero hindi niya matukoy kung militar nga ang gumagawa ng pananakot sa kanila.

Oral arguments

Kasama sa hiling ng grupo na mapasama ang kanilang petisyon sa dalawang naunang petisyon na kumokontra sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Matatandaang iniatras ng Korte Suprema sa Enero 29 ang oral argument ng petition kontra martial law extension mula sa orihinal na petsa nito na Enero 21, 2019. (Erwin Temperante)

https://youtu.be/4UNfV6fRlic