Pagtatayo ng friendship bridge sa Maynila na popondohan ng China, tuloy – DPWH

(Eagle News) — Isinusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng Binondo-Intramuros Friendship Bridge sa kabila ng pangamba na makakasira sa mga heritage site sa lungsod.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar patuloy ang kanilang ginagawang dayalogo sa mga sektor at stakeholders kabilang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pagpapatuloy ng konstruksyon ng nasabing tulay.

Ang PHP 4.2-billion bridge ay pinondohan ng China sa pamamagitan ng Build, Build, Build Program Duterte administration na nakikitang magpapagaan ng trapiko sa Maynila.

Una nang sinabi ng International Council on Monuments and Sites (ICOMOS) na ang konstruksyon ng nasabing tulay ay sisira sa bahagi ng San Agustin Church, isang UNESCO World Heritage Site mula pa noong 1993.

Magreresulta umano ng tuluyang pag-alis sa nasabing simbahan ng katoliko mula sa UNESCO list.