Filipino-Pakistani national na namba-blackmail ng dating karelasyon, arestado ng NBI

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Hindi na nakapalag pa ang Filipino-Pakistani na si Abdul Razak Bukhari nang arestuhin ng mga operatiba ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ginawang entrapment operation noong Martes ng gabi sa Quezon City.

Nag-ugat ang reklamo mula sa dating karelasyon nito na tumanggi nang magpakilala matapos dumulog sa NBI ukol sa banta ng suspek.

Sa imbestigasyon ng NBI, nagkakilala lang sa social media ang dalawa at kinalaunan nahulog ang damdamin ng babae sa lalake.

Subalit nagtapos ang pag-iibigan ng dalawa nang matuklasan na may asawa na pala ang lalake.

Dahil sa tangkang pakikipaghiwalay ng babae nagbanta ang suspek na ipapakalat sa kanilang kaibigan ang mga maseselang larawan ng biktima kapag itinuloy nito ang pakikipag-hiwalay.

Nagpasaklolo na ang biktima sa operatiba ng NBI kung kaya’t  ikinasa ang operasyon para maaresto si Bukhari.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women And Children Act of 2004 o Republic Act 9262, grave threat na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Photo And Video Voyeurism Act.

Nagpaalala naman ang NBI sa mga indibidwal na mas maging maingat sa pagpopost ng personal information sa kanilang social media.