MANILA, Philippines (Eagle News) — Nangako si Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa na pasisibakin ang dalawang police bodyguard ni Dianne Yu Uy, anak ng convicted drug dealer na si Yu Yuk Lai.
Si Uy ay nadakip nitong Martes, November 8, matapos salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanyang tahanan na malapit lamang sa Palasyo ng Malacañang sa San Miguel, Maynila, at masamsam ang mahigit P10 milyong halaga ng shabu.
Isinagawa ng mga otoridad ang operasyon matapos masamsam ang ilang drug paraphernalia sa kulungan ng ina niya sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong.
Ayon kay Dela Rosa, may pagkukulang sina Police Officer 3 Walter Vidad at P02 Faidjal Sawadjaan dahil hindi nila nirereport sa kanilang immediate superior ang mga aktibidad ni Uy.
Ang dalawang pulis ay inassign na gumwardya kay Uy matapos makumpirma ng Police Security and Protection Group (PSPG) ng PNP na may banta nga sa buhay ng anak ng convicted drug dealer.
Ayon kay Dela Rosa, hindi sinabi ni Uy sa kaniyang aplikasyon na ang kaniyang ina ay isang convicted drug dealer.
“For that, sisiguraduhin ko talaga na matatanggal sa serbisyo itong mga to,” aniya.





