7 katao, huli sa buy-bust operations sa Maynila

(Eagle News) – Walang mukhang maiharap ang aabot sa pitong drug personality matapos mahuli sa isinagawang mga buy-bust operation ng Manila Police noong Lunes ng gabi, Mayo 29.

Unang naaresto sa San Marcelino bandang alas-otso ng gabi (8:00 PM) ang mag-asawang Benjie at Marie Catalo.

Kasunod sina Gemalyn Graffil at Ramonsito del Garcia.

Nakuha ng Manila Police District Station 9 sa mga suspek ang P4,000 buy-bust money at labing isang sachet ng shabu na aabot sa 50 grams at may street value na Php 80,000.

Nakuha rin ang isang weighing scale.

Nakuha naman kay Catalo ang isang kalibre .45 baril na posibleng ginagamit umano nito sa iba pang masamang gawain.

Sumunod na nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba sa tapat ng isang mall sa Ermita, Maynila kung saan nahuli naman sina Ramon Gruta, Joselito Camacho at Ramon Dumdum na pawang mga nasa drugs watch list. 

Nakuha sa grupo ni Gruta ang anim na sachet ng shabu na aabot sa 40 gramo.

Ayon kay Senior Police Inspector Dave Abara, nagbabagsak ng droga ang mga suspect sa area ng Sta. Mesa at Taguig.

Ngunit depensa ng isa sa mga suspek, hindi kaniya ang mga nakuhang shabu.

Hindi umano niya alam kung saan ito nakuha ng mga pulis. Dati na umano siyang huminto sa pagbebenta ng shabu at nag-concentrate na lamang sa pagba-buy and sell.

Malaki na umano ang ibinaba ng mga gumagamit at nagbebenta ng droga sa area ng MPD Station 9 dahil sa pinaigting na kampanya laban dito.

(Eagle News Correspondent Paulo Macahilas)