560 drug surrenderees nagtapos sa community-based rehabilitation program ng QC gov’t

(Eagle News) – Nasa 560 drug surrenderees ang nagtapos sa community-based rehabilitation program na ipinagkaloob ng Quezon City government.

Isa sa nagtapos sa nasabing programa ay si Mang Hilario Miranda.

Ayon kay Miranda, tuluyan na raw niyang naalis sa kanyang sistema ang paggamit ng ilegal na droga matapos sumailalim sa anim na buwang rehabilitation program.

Unti-unti na rin daw niyang naibabalik ang tiwala ng kanyang pamilya na nasira nang malulon sa sya droga simula noong 2012.

Sa loob ng mahigit na anim na buwan, tinapos nila ang labinlimang modules.

Ayon kay Vice Mayor Joy Belmonte, mahigit sa walong daang drug surrenderees sana ang magtatapos sa rehabilitation program.

Ang problema, 260 daw sa kanilang mga kasamahan ang nagpositibo sa isinagawang final drug testing kaya hindi na sila isinama sa graduation rites.

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dalawang posyento (2%) sa mga nakakatapos sa rehabilitation program ang kadalasang bumabalik sa paggamit ng ilegal na droga.

Pero ayon sa kapulisan, hindi natatapos sa rehabilitation ang pagbabantay sa drug surrenderees

Sa kabuuan, aabot na sa 2,360 na sa mahigit dalawampung libong drug surrenderees sa Quezon City ang sumailalim at nakatapos na sa drug rehabilitation. (Mar Gabriel, Eagle News Service)