4 na lalaking naaktuhan gumagamit ng marijuana, naaresto sa Punta Sta. Ana, Maynila

(Eagle News) — Nadakip ang apat na kalalakihan matapos maaktuhang gumagamit ng marijuana at nagsosolvent sa loob ng isang tricycle sa Barangay 905 Road 5, Punta Sta. Ana, Maynila.

Kuhang-kuha pa sa CCTV camera ng barangay ang aktuwal na paghithit ng apat na suspect na kinilalang sina Christian Cabiling, Justing Cabili ng, alyas ‘John Paul’ at alyas ‘Jun Jun’.

Nang arestuhin ito ng mga tanod, pumalag pa ang isa sa mga suspect, pero agad rin siyang pinalibutan ng mga otoridad.

Ayon sa Barangay Chairman na si Edwin Zambrona, madami din umano silang natanggap na reklamo sa pamamagitan ng text mula sa mga concerned citizen ukol sa paggamit ng marijuana at pag-inom ng alak sa kalsada.

Ayon pa kay Zambrona, sanhi ng gulo sa kanilang lugar ang mga nahuling suspect.

Narekober sa mga suspect ang apat na sachet ng marijuana, mga drug paraphernalia at isang ice pick.

Mahaharap ang mga suspect sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa City Ordinance 5555 o drinking in public places, at illegal possession of deadly weapon.

(Eagle News Service Paulo Macahilas)