P2,000 insentibo para sa mga project-based na kawani ngayong Disyembre, pinagtibay ni Duterte

President Duterte

MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na makatatanggap ng P2,000 na insentibo ang mahigit na 100,000 mga kawani na kabilang sa estadong Contract of service, Job order at Project-based mula sa mga ahensyang kinabibilangan nila, sa nakaraang pulong ng mga gabinete nitong Lunes, Disyembre 5.

Ang panukalang ito ay batay sa rekomendasyon ng kalihim ng Social Welfare na si Judy Taguiwalo na ang mga nasabing kawani ng Gobyerno ay makatanggap rin ng cash gifts ngayong Disyembre.

Ayon sa kasalukuyang alituntunin ng Civil Service Commission (CSC), mga regular na kawani lamang ang maaaring tumanggap ng 13th at 14th month bonus mula sa gobyerno. Hindi sakop ng nasabing gabay ang pagbibigay ng insentibo sa mga kawaning nasa Contract of service, Job order at Project-based.

Sinabi ni Sec. Taguiwalo na kung maaari ay makita rin ang mga naging tulong at kontribusyon ng mga nasabing empleyado sa pagsisilbi sa taong-bayan.

Sa isang panayam kay Budget Secretary Benjamin Diokno, sinabi nito na kinakailangang magdagdag ng mahigit-kumulang na 3.5 bilyong piso mula sa gobyerno upang ang panukalang ito ay maisakatuparan.

Hindi naman ito inalmahan ng Pangulo, nilagdaan niya agad ang panukalang magbibigay ng dagdag na P2,000 insentibo sa mga manggagawang JO, COS at PB upang may maibahagi ang mga ito sa kani-kanilang pamilya ngayong nalalapit na ‘holiday season.’