2 patay, 12 katao sugatan sa nangyaring gang riot sa Quezon City Jail

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Isa ang patay at labindalawang katao ang sugatan sa nangyaring riot sa pagitan ng dalawang gang kaninang madaling araw, Nobyembre 3 sa Quezon City Jail.
Nangyari ito bandang alas tres y media ng madaling araw (3:00AM) sa pagitan ng Batang City Jail at “Bahala na Gang.”

Sinasabing ito ay dahil sa hindi sinasadyang pagkakatapon ng tubig mula sa balde ng isang inmate ng “Bahala Na Gang” sa isang inmate na miyembro naman ng “Batang City Jail” habang natutulog.
Kaya ang resulta, nagbatuhan ng mga gamit ang dalawang gang at nagsigawan.

Isang preso naman ang idineklang dead on arrival matapos magtamo ng maraming saksak na sya nitong ikinamatay.

Samantala, isang preso din ang namatay ng mangyari ang riot dahil sa bangungot na nakilalang si Edmon Domondon na mula naman sa Bahala na Gang.

Kaagad namang rumesponde ang mga miyembro ng Quezon City Police District-Special Weapons and Tactics (QCPD-SWAT) at Bureau of Jail Management and Penology Special Tactics and Response (BJMP-STAR) team para mapigilan ang riot.

Aminado naman ang mga lider ng gang na nagkaroon nang ‘di pagkakaunawaan at kaagad naman itong naresolba.

Dahil dito, pansamantala namang suspendido ang schedule ng dalaw sa mga piitan sa Quezon City Jail, para sa isasagawang paghalughog sa mga selda at upang matiyak na din na wala nang nakatagong armas.