2 katao sugatan sa salpukan ng delivery truck at bus sa EDSA Muñoz, Quezon City

(Eagle News) — Wasak ang harapang bahagi ng isang truck matapos na sumalpok sa isang bus sa kahabaan ng Muñoz sa Quezon City, kaninang madaling araw, Hulyo 31.

Halos maipit ang driver ng truck dahil sa lakas ng pagkakabangga nito.

Ayon sa pahinante ng truck binabaybay lamang nila ang kahabaan ng Muñoz patungo ng Quezon City. Ngunit pagdating sa bahaging U-Turn slot sa lugar nabulaga na lamang sila ng may bigla na lamang may mag U-Turn na bus.

Magdedeliver lang sana sila ng bigas sa Quezon City nang ito ay mangyari.

Ginamitan pa ng equipment ng Quezon City Rescue Team para makuha ang driver ng truck dahil sa tindi ng pagkakaipit nito sa driver seat.

Ayon naman sa driver ng bus bigla na lamang daw sumalpok ang delivery truck sa kanyang gilid. Malayo pa lamang daw ay napansin na nya ito kung kaya’t nagulat na lamang siya ng bigla na lamang itong sumalpok.

Sugatan ang isang pasahero ng bus na agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital.

Ayon kay Police Chief Inspector Erlito Renegin hepe ng QCPD Traffic Sector 1, may pananagutan din ang driver ng delivery truck sa nangyari dahil sa hindi man lang nito nagawang mag menor ng takbo kung kaya nangyari ang pagsalpok.

Kasalukuyan nang nagpapagaling sa pagamutan ang mga nasugatan sa aksidente.